Tuesday, March 20, 2007
Ano Ngayon?
maraming naiisip pero natatamad sabihin.

ganun lang ang dahilan kung bakit madalang akong magpost. hindi sa walang oras. marami ang pagkakataon at madalas din akong dumalaw dito. katunaya’y ito ang pangalawa sa binubuksan ko, sunod sa email. masarap kase magbasa ng utak ng ibang tao. kaya kung walang bago rito, gumagala ako sa blog ninyo at ng kung sino. kaya lang nakakatamad din naman minsan kung puro kwentong pang-araw-araw lang nila ang nababasa. oh well, kaya nga blog e. blog! ambobo ko talaga.

maraming nangyari.

magulo ang utak ko. nung isang araw pa ako naghahanap ng katahimikan. ika nga ng aking paboritong kaibigan, hindi katahimikan ang ibig sabihin ng pag-iisa. ako ang pinakahuling umalis sa aming bahay kanina. baka ‘kako kase sa aking pag-iisa sa kwarto, sa paglalakad paalis at pabalik ng bahay, at pagpapaiwan para linisin ang aking tokador… baka lang kase makahanap ako ng katahimikan… bago man lang ako pumasok sa skul.

magsesembreak na at malapit ng mag-holy week. dalawang linggo na akong di napapadalaw sa aking paboritong lugar. marami na kaseng tao, at mahihirapan din akong magkaroon ng kahit saglit na katahimikan doon kung pupunta ako. gusto ko, ihip lang ng hangin ang gagambala sa aking pag-iisa doon. paboritong bahagi ko ng pagdiriwang doon ang pag-awit ng mga papuri. gustung-gusto ko ang blending ng piyano at mga nakakapanindig-balahibong boses. kaya nga dati naisip ko ring idagdag sa mga listahan ng pangarap ko ang mapabilang sa choir. mahilig kase akong maghanap o mag-isip ng mga pangarap na pwede kong ilista habang nakikipagsapalaran ako sa ang aking buhay. pero yung bolpen na ginagamit ko walang tinta. tiyak ko kaseng bawat pangarap na napupulot ko sa aking dinaraanan, mananatili lamang mga pangarap na magpapakapal sa aking notbuk ng buhay dito sa mundo. subalit hindi ito ang dapat kong kinukwento.

sembreak na namin. yey! dapat masaya, maligaya, natutuwa. DAPAT. pero baket wala akong maramdaman, na kahit ano! emptiness. eto ba yung pakiramdam ng dementor’s kiss? hindi. hindi ako manhid. masunurin ako sa aking konsensya. yun! yun lamang ang tangi kong maipagmamalaki sa aking buhay.

patuloy akong nag-iisa sa kalungkutan na hindi ko maipaliwanag. at sa kalungkutan ako pinakamahina, kaya parang sasakyang naubusan ng gasolina, ako ay hindi maka-istart sa biyahe ng buhay. buhay-single. tama, buhay-single dahil yun lang naman ang tinatahak ko ng ilang taon na sa aking buhay.

ang totoo’y mas madali talaga ang magreklamo kesa trumabaho. kesyo kung anu-anong palusot-kapilosopohan ang nasasambit ko sa aking buhay. pero sa huli, pag naman nahimasmasan na’y ako rin ang lumalabas na talo dahil sa katamaran at kahinaan ng loob at sari-saring kapalpakan.

masama pala ang nasosobrahan sa pagmumuni-muni. araw-arawing magrepleksyon sa sarili at sa buhay, labas nama’y nega. walang kwentang anak, walang kwentang kamag-anak, walang kwentang kaibigan, walang kwentang ninang, walang kwentang kaopisina, walang kwentang titser! ano pang hinihintay mo, tapusin mo na ang mga grades. tambak na kaya sa table mo ang kilo kilong papel at diskette. nung 16 pa ito hinihintay ng registrar. sige ka hindi ka paseswelduhin ng direktora bukas.. dali, dali, wag tatamad tamad. pero hindi rin dapat ito ang kinukwento ko.

dapat kong ikwento na masarap ang lasagna sa bahay nina gina na may ari ng sirang kompyuter na ginawa ko kahapon, na masaya ako dahil nakatanggap ako ng tatlong tsokalate kay inkee na dala ng kapatid nya, na masaya ako dahil may mp4 na bigay si utoy at matatanggap ko na sa isang lingo.

buti pa kapag tinatamad ako, napapahaba ang post ko <",> at baket ang taray ng title ko?
 
posted by tekla at 4:30 PM | Permalink |


0 Comments: